
23 Pebrero
Kay bilis ng pangyayari. Biruin mo, sina Ramos at Enrile nagresayn! Hindi yata kapanipaniwala pero, basta, ang galing! Isa itong pagkakataon upang tuluyan nang bumagsak ang diktadura ni Marcos. Ngunit nakakatakot din. Iba na ang labanan. Kasama na ang militar. Mapagkakatiwalaan ba natin sila?
***
Kagabi pa lamang ay nagmobilisa na ang Ateneo. Binuhay muli ang Homebase upang maorganisa ang mga mag-aaral na nais makatulong. Mayroon nang itinayong Homebase sa Gate 4 ng Camp Aguinaldo. Mayroon ding mga estudyanteng nagbantay sa Radio Veritas. Ako, sa EDSA napadpad.
Sa EDSA, parang piyesta. May mga nagtitinda ng fishballs, mais, at mangga. May mga naglalako ng mga dilaw na lobo at kung anu-ano pang mga souvenirs. Walang tigil ang mga tao sa kalalakad.
Mga bandang alas tres ng hapon, lumabas si Enrile. Mula sa Camp Aguinaldo, tumungo siya sa Camp Crame. Pinaligiran ang kanyang daraanan ng mga taong nakakapit-bisig. Sandali lamang siyang nagsalita, nagpasalamat, ngunit tuwang-tuwa ang lahat. Para bang may panibago silang bayani. Nakakabingi ang kanilang pagsigaw ng "Johnny! Johnny! Johnny!" Sana'y hindi sila nagkakamali.
24 Pebrero
Tanghali na nang makarating ako sa EDSA. Nakita ko ang dalawa kong kaibigan at napadpad kami sa White Plains. Doon, nagdarasal ang mga Atenista ng rosaryo. Iyon ang una sa marami pang rosaryong nadasal ko nang araw na iyon.
Samantalang tila piyesta sa EDSA, may kaganapan na sa Santolan, sa Libis. May barikada roon ang Ateneo na mga 100 katao. Nang mga alas dos medya ng tanghali, dumating ang mga sundalong lulan ng jeep at trak. Nais nilang dumaan. Nagkaroon ng kaunting kaguluhan nang magpumilit ang mga sundalong makapasok sa barikada ngunit hindi sila naka-ubra. Malakas ang barikada. Nagsigawan ang lahat. Panalo na raw sila. Bumalik ang mga sundalong armado na ng mga bayoneta. Ginamit nila ito sa barikada. Walang nagawa ang barikada kundi paraanin sila.
Habang ikinukuwento sa amin nga pangyayaring iyon, may lalaking nagsabing kailangan ng tulong sa Santolan. Sinabi niyang mapanganib doon. OK lang kung ayaw magpunta. Pero, sumige na rin kami at halos lahat ng nasa White Plains ay nagtungo sa Santolan.
***
Ginawang mga frontliners ang mga babae. Baka sakali raw na mapukaw namin ang mga puso ng mga sundalo. Mayroon pa kaming mga tangang puting rosas.
25 Pebrero
Ala una ng umaga, nandito pa rin kami, naghihintay. Karamihan ay tulog na. Ano ngayon kung marumi ang daan basta makatulog. Mga alas tres, sa gitna ng aming pagdarasal, dumating ang aking mga magulang. Sinusundo ako. Baka mapaano pa raw ako. Ayokong sumama sa kanila. May pagtawag, mas kailangan ako dito.
***
Pagkagat ng dilim, nagkaroon ng misa. Wala pa ring tigil ang pagdating ng mga tao na galing kung saan-saang pangkat at lugar. Mga alas otso, pumasok ako sa isang sasakyan para maka-idlip ng sandali. Makakatulog nalang ako nang biglang may nagpapalo sa gilid ng sasakyan. Sinigawan ko yung kumag na nag-iingay ngunit tinawanan lang niya ako. "Wala na si Marcos! Umalis na siya," sabay sabi niya.
Hindi ako makapaniwala. Hindi ba noong isang araw lang ay may nagbalita na ng ganyan? Tsismis na naman 'yan.
Ngunit, totoo!
Biglang nagsigawan ang mga tao. May mga nagsasayawan pa. Umalingawngaw ang mga busina ng mga sasakyan. Nagliwanag ang madilim na langit dala ng pagsiklab ng mga paputok. May mga nagyayakapan. May mga nag-iiyakan. Sa EDSA, tila may walang katapusang karnabal na ginaganap.
26 Pebrero
Alas dos ng bumalik kami sa Ateneo. Bilang pasasalamat, nag-alay ng misa sa Colayco. At pagkatapos, kinanta ng lahat ang "Bayan Ko." Ngayon ko lang talagang masasabing, ang bayan ko.
Hango sa "Apat na araw sa talaarawan ng isang Atenista," Matanglawin, Marso 23, 1986
0 comments:
Post a Comment